Napakalamig ng simoy ng hangin makulimlim na kalangitan, di naman Pasko at wala rin namang bagyo kainaman na iyan! Pebrero na pala, tanging buwan na iniiwasan ng mga pusong sawi at pusong walang gana kainaman na iyan! At heto ako di naman sawi, may gana rin naman, pero tila ba batang nag-aabang; ng kahabulan, kalaro, kapiko, Yung maghahanap sa'yo kapag tagu-taguan. Iyong kalarong, hahabulin ka kahit sa dawagan, sasamahan ka kahit tirik ang araw, kahit malubog sa putikan, at kahit gabihin sa daan. Di ka iiwanan, tatanawin ka sa iyong lalakaran. Nasaan na kaya siya? Ito iyong panahon na pilit iniiwasan, masaya naman akong mag-isa pero mas masaya kung may kasama. May kasamang kakain ng tokneneng sa daan, may makikinig sa kuwelang mga banat, May papasahan ng mga larawang kakatwa, Kainaman na iyan! Oo gusto din namang maranasan, at matagal ng inaasam-asam, Iyong sasabayan kang umawit at umindak sa mga klasekong awitin Sasamahan kang masdan ang kalangitan, Sasabihan ka ng magandang umaga, kumain ka na ba? Uy, gabi na, matulog ka na nga! O , galing mo ah natapos mo lahat? OO, kainaman na iyan! Tila bumabalik sa pagkabata, at nahipan na nga ng hangin. Hays! Mapapabuntong hininga nalang. Pero baka nga di parin tama at wasto ang panahon, kaya di tayo magtagpo, sana mahanap mo rin ako, at sana makita rin kita, aking kalaro. Kainaman na iyan!
PREVIOUSNEXT