Lupang Sinilangan

Nagpaikot-ikot at nagpagulong-gulong na ako sa aking papag ngunit ang mga talukap ng aking mga mata ay tila ayaw magsara. ‘Di ko maintindihan ang aking sarili biglang lumabas ang ispiritu ng pagkamakabayan sa aking diwa. Ayaw kong ipagsawalang bahala ang kalagayan ng aking lupang sinilangan. Hindi naman ako ipinanganak na aktibista ngunit ang puso ko ay nag-aapoy, sa labis na kalungkutan at pagkadismaya.

Pagkatapos kong humigop ng mainit na kape ay tila nag-init din ang aking damdamin pagkatapos mabasa at mapanuod ang mga isyung laganap sa bansa . Tila tinangkilik ng madla at humirit sa takilya ang kuwento ng isang Alkaldeng naninindigan sa sinumpaang tungkulin at tila saulado ang “Panatang Makabayan” at ang halos dalawang daang bilyong ayuda ng pamahalaan sa ating bansa na walang kasiguraduhang ligtas na makakarating sa ating mga palad. Idagdag pa natin ang epidemyang kumakalat sa ating bansa, at ang kumukulong mga sikmura ng mamamayang Pilipino.

Tila ‘di epidemya ang kikitil sa buhay ng mga mamamayan, kundi ang huwad at baluktot na sistema ng pamahalaan. Nakakalungkot ngunit may bakas na kasiyahan dahil unti-unti nang sumusambulat ang mga pakanang ‘di maisiwalat at pilit na tinago at binaon ng mga pinunong halang ang sikmura.

At sa sandaling ito, mas nakintal sa aking isipan ang himagsik ni Balagtas noong isinulat niya ang Florante at Laura, himagsik laban sa malupit na pamahalaan at maling kaugalian. Ngunit mas nakakapanindig balahibo dahil ‘di ibang lahi ang sumusugat at dumudurog sa Inang Bayan. Nawa ‘di natin makalimutan ang mga kuwentong nailathala noon pa man. Kuwentong pinaglaban ng ating mga bayani kahit buhay ay kapalit. Mga sanaysay ng mga manunulat kahit sa loob ng piiitan pinagpilitan mailathala upang maihatid ang katotohanan.

Habang nakatitig sa kisame, wari’y umaawit na naman ang mga kuliglig sa mga puno, at nakikinig sa aking pagdadalamhati. Alas dos na ng umaga at tila gumaan ang pakiramdam ng naisulat ang hinaing nitong dibdib. Maaring ‘di natin masilayan ang pagbabago sa ngayon, ngunit alam kong nadirinig Niya ang ating mga usal , hikbing pilit na itinatago dulot ng takot, pag-aalinlangan, at pangamba.

Aking lupang sinilangan, alam kong makakarating sa kalangitan ang ating mga panalangin at tayo’y babangon muli. Nabigo ngunit magpapatuloy!


Published by Merrel Ya

A lady who has been pondering her hope into Christ, inhaling His grace, and enjoying the beauty of life. Writing about life, asking God about “kuliglig sa kanyang dibdib.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Related Writings

Friday

91/365 This day seems so unproductive. I have time to take a nap, sing-along, wonder about life’s meanings, watch videos, listen to old songs, and dream. The hours seem longer,…
five person by table watching turned on white iMac

keep the minutes

It’s keeping their wisdom and knowledge in life. It’s keeping their love for Christ. It’s keeping their sweat and tears even if no one appreciates their hard work at times.

Celebrate your small wins!

My heart is full of thanksgiving!

Stepping out in Faith

Inhaling His grace and enjoying the beauty of life. Writing about life, asking God about “kuliglig sa kanyang dibdib.”

Meryl Ya

© Copyright 2017 / Merrel Ya / Website Design by Titus Jr Laxa

Let’s connect!